Nation

GOBYERNO PINABIBILI NA NG COVID19 VACCINES PARA SA KABATAAN

/ 29 August 2021

ISA pang senador ang nanawagan para agarang maisama sa vaccination program ng gobyerno laban sa Covid19 ang mga bata.

Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na sa pagpasok ng mga bagong variant ng Covid19 ay dapat matiyak na protektado maging ang mga menor de edad.

Aminado ang senador na isa ang kawalan pa ng bakuna sa mga bata sa mga dahilan kaya nag-iingat siya sa panawagan para sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Ayon kay Zubiri, bago magbalik sa eskwelahan ang mga estudyante, kailangang matiyak ang proteksiyon ng mga ito.

Umaasa siyang sa mga susunod na araw ay makabibili na rin ang gobyerno ng mga bakuna para sa mga menor de edad.

“I hope they can bring in the vaccines so that we can start inoculating children whether it’s Pfizer or Moderna. We don’t want this virus to cripple our children,” pahayag ni Zubiri.

Una nang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng pagbibigay bakuna sa mga kabataan upang makabalik na sila sa normal na pag-aaral at hindi maisakripisyo ang kalidad ng pagkatuto.