‘GO SIGNAL’ NA LANG NI DUTERTE ANG HINIHINTAY, DEPED HANDA NA SA F2F CLASSES
HANDA ang Department of Education na magsagawa ng pilot run ng face-to-face classes sa sandaling pahintulutan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
HANDA ang Department of Education na magsagawa ng pilot run ng face-to-face classes sa sandaling pahintulutan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tiniyak ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, kasabay ng pagsasabing natapos na ng Deped, kasama ang Department of Health, ang guidelines para sa pilot run ng face-to-face classes sa 100 paaralan sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19.
Nauna nang inanunsiyo ng DepEd na magbubukas ang School Year 2021-2022 sa Setyembre 13.
Ayon kay Malaluan, nasa 600 eskuwelahan ang kinokonsidera para sa pilot run ng face-to-face classes matapos na makapasa sa ebalwasyon para sa kahandaan ng mga ito.
Sa tulong, aniya, ng United Nations Children’s Fund o UNICEF ay nakapaglagay ang DepEd at DOH ng dashboard na makatutulong sa kanila sa pag-monitor sa mga eskuwelahan na itinuturing na low risk para sa transmission ng Covid19.
“‘Yang dashboard na ‘yan, nakikita namin doon ‘yung risk classification ng isang lugar at paaralan na nakapaloob doon,” sabi ni Malaluan.
Sa 600 paaralan na nakapasa sa ebalwasyon, 100 lamang ang pipiliin para sa dry run ng face-to -face classes.