GLOBE TINIYAK NA HANDA ANG MGA PASILIDAD SA PAGHAGUPIT NG BAGYONG BISING
Nakahanda na ang Globe para sa pagtulong sa mga residente ng Eastern Visayas, Bicol Region, Caraga at iba pang lugar kung saan inaasahang mararanasan ang paghagupit ng bagyong Bising.
Bahagi ng mas pinaigting na pagtugon at kahandaan sa mga kalamidad, nakaantabay na ang mga technical support personnel at maging ang mga kagamitan gaya ng mga generator para ipadala sa mga lugar kung saan malaki ang magiging epekto ng bagyo.
Naka-standby na rin ang mga Libreng Tawag, Charging at WiFi Services ng Globe na maaaring i-deploy anumang oras sa mga lugar na maaring mawalan ng koryente dahil sa malakas na hangin at pag-ulan dala ni ‘Bising’.
Inaasahang lalong lalakas ang bagyong Bising na may international name na Surigae mula 195 hanggang 205kph (kilometers per hour) bukas base sa pagtaya ng PAGASA.
Dahil dito, bibigyan ng libreng data ng Globe ang mga Globe at TM customer nito para magamit nila sa pag-access ng website ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at malaman ang mga paghahanda at mga anunsiyo ng pamahalaan sa pananalasa ng bagyo.
Nanawagan din ang Globe sa lahat ng mga residenteng apektado ng bagyo na makinig o kumuha lamang ng balita sa mga lehitimong news site at mga government concerned agency.
Pinaalalahanan din ng kompanya ang mga nasa mga lugar na dadaanan ng bagyo na mag-imbak at maghanda ng sapat na pagkain, tubig, gamot, baterya para sa mga flashlight at radyo, kandila at i-charge agad ang kanilang mga mobile phone, tablet, laptop at iba pang mga gadget sakaling mawalan ng koryente.
Pinapayuhan din ng Globe na manatili muna sila sa loob ng kanilang mga bahay kung wala namang pangangailangan na sila ay lumikas sa mas ligtas na lugar. Gayunpaman, mas mainam na rin na maghanda sila ng mga damit, first-aid kit at iba pang mga kailangan sakaling sila ay ilikas mula sa kanilang mga tahanan.
Sa pinakahuling bulletin ng PAGASA kaninang alas-11 ng umaga, tinatayang aabot sa lakas na 185 kilometro kada oras at pagbugso ng hanggang 230 km/hr ang hangin na dala ng bagyong Bising.
Sa kasalukuyan, kumikilos patungong hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras ang bagyo at inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility Linggo ng gabi.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang GlobeICON on Facebook o bisitahin ang globe.com.ph para sa mga pinakabagong #StaySafePH advisory.