GLOBE SUPORTADO NG LGUs SA PAGTATAYO NG TOWERS; 495 PERMITS APRUBADO
PATUNAY sa suportang ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan para gumanda ang connectivity, 495 permits ang naibigay sa Globe sa unang dalawang buwan ng taon para makapagpatayo ng mga cell tower.
Noong Enero, 253 na mga permit ang naibigay sa Globe at 242 permits naman noong Pebrero. Pabor ito sa Globe dahil layunin ng kompanya na makapagtayo ng mas maraming cell sites ngayong taon.
Nasa 2,000 bagong cell towers ang target itayo ng Globe ngayong 2021 para mas mapabilis at mapaganda lalo ang serbisyo nito sa bansa.
Sa North Luzon nakuha ng Globe ang pinakamaraming permit na 164.
Sumunod naman ang NCR na may 118 permits at Visayas na may 78. Mayroon namang 71 permits mula sa Mindanao at 64 mula sa South Luzon.
“Dumarami ang mga lokal na pamahalaan na nakakakita sa kahalagahan ng connectivity lalo na’t mas dumarami ang naka-work from home at mga batang nag-o-online classes. Nakita nila na ang mabilis na internet connection sa kanilang lugar ay kailangan para makapag-abot ng mga serbisyo sa kanilang nasasakupan.
“Kung magpapatuloy na mahina at mabagal ang connection sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng mga cell site, maaapektuhan ang tiwala ng mga tao sa lokal na pamahalaan lalo na ngayong may kinakaharap na krisis ang bansa,” sabi ni niJoel Agustin, Globe Senior Vice President for Program Delivery, Network Technical Group.
Sa mga probinsya naman, sa Nueva Ecija nakakuha ng pinakamaraming permit na 40, sumunod ang Pangasinan na may 32 at Davao del Sur na may 31 — 23 rito ay galing sa Davao City. Nakakuha naman ng 30 permits sa Cebu at 20 mula sa Bulacan.
Sa Metro Manila, ang Pasig City ang may pinakamaraming inaprubahang permit na umabot sa 25, kasunod ang Maynila na may 22 at Makati na may 11. Sa Quezon City, siyam ang nakuhang permit habang pito naman sa Parañaque.
Ang agresibo at tuloy-tuloy na pagtatayo ng Globe ng mga tower at pagpapaunlad pa sa serbisyong hatid nito sa mga subscriber ang dahilan kung bakit ang kompanya ang pinakanag-improve na mobile average download speed kumpara sa lahat ng networks na aabot sa 16.44 Mbps noong huling quarter ng 2020 mula sa 13.5 Mbps noong kaparehas na quarter noong 2019; ito ay 22 porsiyentong pag-angat ayon sa Ookla data.
Gayundin, nakatuon ang Globe sa layunin nito na bawasan ang carbon footprint kaya patuloy ang aktibong pagsuporta ng kompanya sa Race to Zero global campaign na pinangungunahan ng United Nations Framework Convention on Climate Change and COP26 Presidency at suportado ng GSMA, ang pangunahing modelo sa industriya ng mobile network sa buong mundo.
Sinusuportahan din ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular na ang UN SDG No. 9 na siyang kumikilala sa kahalagahan ng imprastraktura at innovation bilang mga pangunahing tagapagtaguyod ng pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon din ang Globe sa pagtupad sa 10 United Nations Global Compact principles at 10 UN SDGs.