Nation

GLOBE NAGBIGAY NG LIBRENG TAWAG, WIFI PARA SA ‘AURING’ CASUALTIES NG TANDAG CITY

/ 23 February 2021

NAGSIMULA  na ang Globe na magbigay ng  libreng tawag, charging at wifi sa mga residente ng Tandag City, Surigao del Sur na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot  ng bagyong Auring.

Ang mga libreng serbisyo ay maaaring matanggap sa Telaje Covered  Court, Capitol Road (sa harap ng Capitol Building), Tandag City.  Ito ay bukas hanggang Pebrero 23 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Nagsimula ang Globe na ialok ito Pebrero 22, mula ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon. Handa rin ang Globe na magbigay ng mas maraming mga libreng serbisyo sa iba pang mga lugar na apektado ng bagyo kung kinakailangan.

Patuloy ring hinihikayat ng kompanya ang publiko na kumuha ng mga update at balita tungkol sa bagyo mula sa mga awtoridad at mga lehitimong website lamang para maiwasan ang mga fake news.

Bilang tulong, ginawang libre ng Globe ang  data access sa website ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa http://ndrrmc.gov.ph/ para sa mga customer ng Globe at TM.

Nagbigay rin ang Globe sa pamamagitan ng mga distributor partner nito ng relief packs para sa 200 pamilyang tinamaan ni Auring.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.