Nation

GLOBE NAGBIGAY NG LIBRENG LOAD AT ROAMING CREDITS SA OFWS SA AFGHANISTAN

/ 18 August 2021

Bilang tulong sa overseas Filipino workers (OFWs) na hanggang ngayon ay hindi pa nakakaalis sa Afghanistan, nagsimulang magbigay ang Globe ng load sa mga Prepaid customer at roaming credits naman para sa mga Postpaid subscriber. Ito ay magagamit para sa roaming services upang kumonekta sa kanilang mga mahal sa buhay at makahingi ng tulong kung kinakailangan.

Ang libreng load at credits ay puwedeng gamitin para makagawa at makatanggap ng tawag at text sa kahit anong network habang sila ay nasa Afghanistan.  Kailangan lamang na siguraduhing nakakonekta sa Roshan, ang partner network ng Globe para sa roaming.

“Dahil sa sitwasyong ito sa Afghanistan, minarapat naming mag-alok ng tulong sa aming mga customers na naiipit ngayon sa kaguluhan. Patuloy naming itinataguyod ang pagkakaroon ng isang ligtas na kapaligiran kung saan ang aming mga customer ay maaaring kumonekta sa kanilang mga mahal sa buhay saan man sila naroon,” sabi ni Coco Domingo, VP for Postpaid at International Business sa Globe.

Para tumawag, i-dial ang “+” + country code + area code + numero ng telepono (hal. +63773101212) o i-dial ang “+” + country code + mobile number (hal. +639171234567).  Para naman magpadala ng text, i-type ang “+” + country code + mobile number (hal. +639171234567).

Sinakop ng mga puwersa ng Taliban ang Kabul noong nakaraang Linggo, na naging dahilan para lumikas sa bansa si Afghanistan President Ashraf Ghani.

Bagama’t nag-utos na ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa paglikas ng halos 130 mga Pilipino sa Afghanistan, marami pa rin ang hindi makaalis dahil sa pagkansela ng mga commercial flight. Libo-libong mga tao ang nagpunta sa Hamid Karzai International Airport sa hangad na lumikas sa kaguluhan.

Patuloy na inuuna ng Globe ang kaligtasan ng mga customer nito sa buong mundo. Noong nakaraang Pebrero, nagbigay rin ang telco ng prepaid load at postpaid credits sa mga kostumer nito sa Myanmar matapos na sakupin ng militar ang kapangyarihan mula sa gobyernong nahalal.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.globe.com.ph / international / roaming.