‘GHOST STUDENTS’ SA SHS VOUCHER PROGRAM BINUBUSISI NG DEPED
HALOS 90 private schools ang kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Education kaugnay ng umano’y ‘ghost students’ sa ilalim ng Senior High School (SHS) Voucher Program.
Sa isang panayam sa programang “Ted Failon and DJ Chacha”, nilinaw ni DepEd Undersecretary Filemon Ray Javier na ang mga iniimbestigahang eskuwelahan ay hindi awtomatikong sangkot sa anomalya lalo na’t may mga ulat na nadodoble lamang ang bilang ng mga mag-aaral.
Aniya, nakapaghain na ng dalawang kaso ang DepEd laban sa isang eskuwelahan sa National Capital Region (NCR), habang dalawa pang paaralan sa rehiyon ang sasampahan nila ng reklamo ngayong linggo.
Nitong Hulyo ay iniulat ni Education Sec. Sonny Angara na umabot sa P100 milyon ang napunta sa mga ghost student at nasa P65 milyon pa lamang ang nababawi ng ahensiya magmula noong Marso.
Hindi naman pinangalanan ng kalihim ang mga eskuwelahang sangkot sa isyu ngunit ipinangako niyang patuloy nilang hahabulin at pananagutin ang mga may kinalaman sa iregularidad ng nasabing programa.
Ang Senior High School Voucher Program ay nagbibigay ng subsidy para sa mga kwalipikadong mahihirap na estudyante na nagnanais makapag-aral sa isang private senior high school. Umaabot sa P14,000 hanggang P22,500 ang natatanggap ng bawat estudyante depende sa lokasyon ng napiling eskuwelahan.