Nation

GENDER STEREOTYPES SA MODULES DAPAT NANG BAGUHIN – DEPED USEC

/ 24 October 2020

MAKALUMA at kailangan nang rebisahin ang mga self-learning module na tumatalakay ng gender stereotypes, maling gender roles, at iba pang suliraning pangkasariang posibleng maghatid ng hindi pantay na pagtingin sa bawat mamamayang Filipino.

Ito ang pahayag ni Education Undersecretary on Curriculum and Instructions Diosdado San Antonio sa isang panayam sa telebisyon – nasyonal na talakayan ukol sa tila mali-maling leksiyon sa mga trending na module umano ng Department of Education.

Kaakibat ito ng kritisismo ng Gabriela sa ilang modules na naglalaman ng mga misogonista at seksistang mga pangungusap na maaaring makaapekto sa pag-iisip ng mga mag-aaral.

“In many DepEd modules, they describe men to be ‘strong, logical, brave’,  and in the same breath call women ‘weak, dependent, fragile’. Are these the values we want to teach our children?,” sabi ni Gabriela Deputy Secretary Joan Salvador.

Dagdag pa niya, “When people are socialized to believe that women should be valued less and that other genders are completely non-existent, the result is a culture of violence against marginalized genders, particularly women.”

Ayon kay San Antonio, kung ganito man ang nasa modules, sumasang-ayon siyang dapat na itong baguhin at ang naturang pananaw ay makaluma na.

“Kasama iyan sa kailangang ayusin kasi mali. Mga sinaunang panahon pa iyan na may gender stereotypes tayo. Kung iyan po ay nailabas, kailangan po iyang sabihin sa mga bata na hindi iyan aplikable sa mga inaaral ngayon,” maanghang na bitiw ni San Antonio.

Panawagan niya, sa sandaling makita ito ng mga magulang at iba pang mamamayan ay agad na makipag-ugnayan sa dibisyong nakasasakop sa paaralang inenrolan ng mga bata upang magawan ng karampatang aksiyon.

Gayundin, ang Error Watch ng DepEd ay bukas araw-araw para sa mga nais magpadala ng suhestiyon at iba pang mga agam-agam.