Nation

GATEWAY GALLERY LEARNING LAB BINUKSAN SA MGA GURO AT MAG-AARAL

/ 22 October 2020

TULOY-TULOY ang suporta ng Gateway Gallery at ng J. Amado Araneta Foundation sa pagsusulong ng ligtas na balik-eskuwela ng Department of Education ngayong panahon ng pandemya.

Bunsod nito ay taos-puso nilang binubuksan ang Gateway Gallery Learning Lab para sa sinumang guro at mag-aaral na nangangailangan ng tahimik na lugar sa pag-aaral na  mabilis na internet connection habang pinaliligiran ng mga likhang-sining mula sa ng mga bantog na pintor sa Filipinas.

Ang Learning Lab ay isa sa mga bagong transpormasyon ng art gallery sa Araneta, Cubao, Quezon City ngayong panahong hindi maaaring magkaroon ng face-to-face classes ang mga paaralan sa Filipinas. Sinumang Filipino na may edad 21 hanggang 65 ay libreng-libreng makagagamit ng naturang pasilidad para sa distance learning – pagdalo sa online class, pagrerekord ng mga audio-visual lecture, paggawa ng mga takdang-aralin, at marami pang iba.

Kailangan lamang dalhin ang valid school o government ID na may birthdate at magpatala nang mas maaga para makapagreserba ng upuan, Lunes hanggang Sabado, ika-10 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.

Para makapagpalista o kung mayroong mga katanungan, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Gateway Gallery at ng J. Amado Araneta Foundation – JAAF. Bukas din ang kanilang mga telepono, 8588-4000, at email, [email protected].

Ang proyekto ay sa pamumuno ni Gateway Gallery Museum Curator Gari Apolonio at JAAF Executive Director Christine Diane Romero.