Nation

FULL F2F CLASSES SA NOBYEMBRE SUPORTADO NG 2 SENADOR

/ 7 July 2022

SUPORTADO nina Senators Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian ang pagnanais ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maipatupad na ang 100 percent face-to-face classes sa Nobyembre.

Sinabi ni Villanueva na batay sa pahayag ng National Economic Development Authority, 37 percent lang ang effectiveness ng online o modular learning kumpara sa face-to-face classes dito sa Pilipinas.

Iginiit ni Villanueva na urgent na maituturing na makabawi ang bansa mula sa learning loss na dulot ng pagsasara ng mga paaralan at remote classes dahil sa pandemya.

Batay rin, aniya,  sa pahayag ng NEDA,  kabuuang P11 trillion ang mawawala sa bansa sa susunod na 40 taon dahil sa suspensiyon ng face-to-face classes at lost wages mula sa mga magulang na kailangang lumiban sa trabaho para tulungan ang kanilang mga anak sa online classes.

Sinabi naman ni Gatchalian na may halos limang buwan pa upang mapaghandaan ang full face-to-face classes at inaasahan niyang sa panahong ito ay mapapataas na rin ang vaccination rate sa 5-11 anyos.

Iginiit ni Gatchalian na nasa 88 percent na ang nababakunahan sa age group na 12 hanggang 17.

Binigyang-diin ng senador na ang pagbabalik sa 100 percent face-to-face classes ay lubhang kailangan para matugunan ang education crisis sa bansa.