FROM RUSSIA WITH LOVE? FREE TUITION, ACCOMMODATION SA PINOY SCHOLARS
INIIMBITAHAN ng Russian government ang mga Filipino student at graduate na kumuha ng scholarship grants sa iba’t ibang unibersidad sa kanilang bansa.
INIIMBITAHAN ng Russian government ang mga Filipino student at graduate na kumuha ng scholarship grants sa iba’t ibang unibersidad sa kanilang bansa.
Ito ang ipinabatid ni House Committee on People Participation Chairperson at San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes matapos ang ginawang pakikipagpulong ng kanyang komite sa ilang opisyal ng Russian Embassy kamakailan.
Sa pahayag ni Denis Karenin, Second Secretary ng Russian Embassy, may inilaan ang kanilang pamahalaan na slots para sa scholarships ng mga Filipino kada taon, subalit maliit na bilang lamang ang interesado at kumukuha.
Ayon sa ranking Russian embassy official, ang libreng pag-aaral na ito ay bukas kapwa sa undergraduate at post-graduate courses kung saan ang application forms ay maaaring makuha sa pamamagitan ng online o sa official website ng kanilang embahada dito sa Filipinas.
Sinabi ni Karenin na maaaring pangasiwaan ng alinmang local government units ang aplikasyon para sa scholarship ng mga nasasakupan nito para sa mas maayos na koordinasyon at pagproseso.
Nabatid naman kay Robes na kabilang sa mga kursong iniaalok para sa Filipino scholars ay sa larangan ng nuclear physics, agriculture, medicine, energy, railway management, at iba pa.
Gayunman ay maaari rin naman aniyang pumili ng ibang kurso na mayroon ang ilang unibersidad sa Russia.
Sinabi ng San Jose del Monte City lady lawmaker na sa ilalim ng scholarship program na ipinagkakaloob ng Russian government, libre ang bayarin sa tuition at accommodation doon subalit ang airfare ay kailangang sagutin ng Filipino students.
“We are very fortunate that this kind of opportunity is being offered to us. This is the kind of partnership that we need in order to give our young students valuable education in their fields of interest,” pahayag pa ni Robes.