Nation

FREE WIFI PROJECT NG DICT SA SUCs PALPAK – PASUC

/ 9 August 2020

HINDI maaasahan para sa pag-aaral, partikular sa distance learning, ang free wifi na inilalagay ng Department of Information and Communications Technology sa state universities and colleges.

Ito ang ipinahiwatig ni Philippine Association of State Universities and Colleges president Dr. Tirso Ronquillo sa pagdinig ng Senado hinggil sa Open Distance Learning.

Ipinaliwanag ni Ronquillo na bukod sa limitadong internet speed, ang hotspot na ikinakabit ng DICT sa SUCs ay inilalagay lamang sa open spaces at hindi umaabot sa mga classroom.

Dahil dito ay napipilitan pa rin umano ang mga SUC na magpakabit ng sarili at magbayad mula sa kanilang badyet ng internet service mula sa iba’t ibang telecommunications companies.

“We need 23 gigabytes per second, pero ang naibibigay ng DICT ay tanging 40 mb lang. We have 40,000 students, we need bigger bandwidth to accommodate. There are many SUCs serviced by DICT but try to imagine 40 mb, talagang kulang ito,” pahayag ni Ronquillo.

Ayon naman kay Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera III ay karaniwang nalalagyan  ng koneksiyon ng DICT ang mga main campus subalit ang mga extension building at external campus ng SUCs ay hindi na naisasama.

Sinabi ni De Vera na may mga campus na may koneksiyon subalit sadyang mahina.

Ikinadismaya naman ito ni Senador Imee Marcos na nanawagan sa DICT na doblehin ang kanilang pagkilos para magkaroon umano ng dagdag na imprastraktura para sa internet connectivity sa mga unibersidad at kolehiyo.

“Kung okay sana ang DICT at ang pangako na kailangan mai-improve ang internet connectivity, kasi nn my opinion, I have seen the educational sector cope with the pandemic but we fail them in terms of internet and digital infrastructure,” pahayag ni Marcos.

Sa datos ng DICT, hanggang noong July 28 ay nasa 102 SUCs na ang nalagyan nila ng wifi habang target nilang tapusin ang paglalagay sa lahat ng SUCs sa pagtatapos ng taon.

Samantala, lumalabas din na sa ilalim ng blended learning na ipatutupad ng Commission on Higher Education, katulad ng basic education, na ang malaking pagsubok na kinakaharap ng mga estudyante ay ang internet connectivity.

Ayon sa talaan ng PASUC, bagama’t 99 porsiyento ng kanilang faculty ang may internet connection, 31 porsiyento lamang ng mga estudyante ang may internet sa bahay habang 37 porsiyento naman ang gumagamit ng cellphone at 8 porsiyento ng mga estudyante ang walang kahit anong uri ng komunikasyon.