FREE EDUCATION, MEDICAL BENEFITS NG SAF 44 DEPENDENTS HUWAG I-DELAY — SENADOR
PINATITIYAK ni Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na hindi atrasado ang Medal of Valor benefits para sa mga pamilya ng 44 Special Action Force commandos na namatay sa 2015 Mamasapano tragedy.
Kasama sa benepisyo ang monthly gratuity na itinaas sa P75,000 mula sa P20,000, libreng education at medical services sa mga dependent.
Bukod pa rito ang pagbibigay prayoridad sa iba’t ibang programa ng pamahalaan at diskwento sa ilang mga establisimiyento at pagbiyahe.
Kasabay nito, tiniyak ni Philippine National Police spokesperson Ildebrandi Usana kay Marcos na ipa-follow up nila ang Medal of Valor benefits para sa SAF 44 families.
Kahapon, Enero 25, ay ginunita ang ika-anim na anibersaryo ng trahedya sa Maguindanao, na naganap sa gitna ng “bara-barang operasyon” ng pulisya para madakip ang mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alias Marwan at Basit Usman.
“Patuloy ang hinanakit ng mga pamilya ng magigiting na SAF 44 na naghihintay pa rin ng hustisya at ng atrasadong tulong pinansiyal sa panghanapbuhay at sa edukasyon ng mga naiwang anak,” pahayag ni Marcos.
“Napakapersonal ng isyung ito sa akin dahil marami sa SAF44 ay mga taga-Norte at kabilang sa mga indigenous peoples,” dagdag ni Marcos, pinuno ng Senate committee on cultural communities.
“Hindi na natin malalaman kung ano ang huling hiling ng bawat isang nasawi sa Mamasapano. Ngunit hindi natin dapat ilibing ang pag-asa ng mga naulila na makamit ang hustisya,” diin pa ni Marcos.