FOREIGN STUDENTS NA SANGKOT SA DEGREE FOR SALE DAPAT I-DEPORT — SENADOR
PINAKIKILOS ni Senador Francis Tolentino ang Bureau of Immigration upang agad na i-deport ang mga dayuhang estudyante na sangkot sa degree for sale.
Ayon kay Tolentino, ito ay kung mapatunayang totoo ang sinasabing bentahan ng degree o diploma sa mga dayuhang estudyante sa halagang hanggang P2 milyon.
Binigyang-diin ni Tolentino na kailangan ding maimbestigahan ng Commission on Higher Educatiion ang isyu at i-validate ang mga impormasyon.
Nagtataka naman ang senador na sa dami ng mga lugar sa bansa ay bakit sa Tuguegarao pa napili ng mga dayuhang estudyante na mag-aral.
Aminado rin ang mambabatas na nakaaalarma ang impormasyon na pinili ang lugar dahil mayroong EDCA sites sa lalawigan kasabay ng paghimok na dapat tingnan din ang iba pang EDCA sites.
Hindi naman, aniya, maituturing na failure of intelligence ito sa bahagi ng Armed Forces of the Philippines dahil dumaan naman sa proseso ang mga estudyanteng nakapasok sa bansa.