FOREIGN COACHES, TRAINERS MAGTUTURO SA NATIONAL ACADEMY OF SPORTS
KUKUHA ang Filipinas ng mga dayuhang coach at trainer para tumulong na linangin ang talento at kasanayan ng mga batang atleta, ayon sa isang mataas na opisyal ng Department of Education.
Sa isang panayam ng The POST kamakailan, sinabi ni Education Undersecretary Revsee Escovido na nakasaad sa Republic Act 11470 o ang batas na lumilikha sa National Academy of Sports, na maaring kumuha ang bansa ng mga banyagang coach at trainer “basta may expertise sa sports science and sports education” ang mga ito.
Ang National Academy of Sports sa New Clark City Complex sa Capas, Tarlac ay sinasabing magiging “breeding ground” ng mga atletang Pinoy.
“Tinitingnan natin na ito ay magiging breeding ground of new world class Filipino athletes. So, habang bata pa sila at mayroon silang pangarap na maging atleta, binibigyan natin ng avenue o kaya malaking oportunidad na puwede nilang i-enhance o i-develop ang kanilang skills, talent and potentials habang nag-aaral,” sabi ni Escovido.
Ang naturang campus ay may sports facilities, housing at iba pang amenities na base sa international standards.
“’Yung facilities doon na ginamit din para sa SEA Games ‘yun din ang magiging facilities ng National Academy of Sports at magtatayo roon ng dormitories. Dahil nakatayo na ‘yung sports facilities, magtatayo na lang ng dormitories at school building kasi iha-house ‘yung mga student-athlete doon,” sabi ni Escovido.
“Tapos ‘pag established na roon and kinakailangan ng expansion saka pa lamang pag-uusapan kung magtatayo pa ng ibang campuses sa ibang region kasi nabanggit sa batas na may mga regional satellite and campus para ma-cater din ‘yung mga gustong mag-aral at mag-develop ng kanilang skills sa larangan ng sports,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon kay Escovido, magiging full scholar ang sinumang bata na sasailalim sa programa ng akademiya.
Ang mga programa ng National Academy of Sports ay hindi lamang para sa mga Senior High School (Grade 11 at 12) kundi pati na rin sa mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang 10, paliwanag ng opisyal.