FLY-BY-NIGHT SCHOOLS TUTUTUKAN NG CHED
PAIIGTINGIN pa ng Commission on Higher Education ang kampanya nito laban sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad na nag-aalok ng master’s degree program na hindi kinikilala ng komisyon.
Ayon kay CHED Chair Prospero de Vera III, marami pa ring nagsusulputan ngayon na mga fly-by-night school kahit may pandemya.
Sinabi ni De Vera na target ng mga ito ang mga public school teacher na inaalok nila ng master’s degree program.
Binigyang-diin niya na may mga naipasara na silang paaralan na hindi kinikilala ng CHED, kabilang dito ang Mandaue City College sa Cebu at isang private school sa Pangasinan na nagbigay ng honorary degree sa isang gobernador.
“Hindi sila recognized school of CHED, so naglagay sila ng malaking tarpaulin sa Carmen, sa Rosales, at Dagupan and they are getting students because nandoon ‘yung malaking picture nung governor, binigyan ng honorary degree. So, ‘yan naipasara natin ‘yan, and that was, I think, the other year,” dagdag ni De Vera.
Sinabi pa ni De Vera na hinihigpitan din nila ang mga eskuwelahan na nag-aalok ng master’s degree sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kung saan ginagamit ng mga ito ang pasilidad ng ahensiya pagkatapos ng trabaho ng nga empleyado, tapos mga part-time teacher lamang ang nagtuturo at wala pang library.
Ayon pa sa opisyal, mas mahirap pigilin ang mga hindi awtorisadong paaralan dahil basta na lamang sila sumusulpot at saka pa lamang malalaman ng CHED kapag may mga reklamo.
Bilang pangmatagalang solusyon, iginiit ni De Vera na dapat maglabas ng joint circular ang CHED, Department of Education, at Civil Sevice Commission para hindi kilalanin at tanggapin ang credential ng mga nag-a-apply na guro na nagmula sa fly-by-night schools.