FLEXI LEARNING MATAGAL NANG GINAGAMIT SA PAGTUTURO — DEPED
HINDI isang bagong sistema sa pagtuturo ang flexible learning kundi pamamaraan para maturuan ang mga estudyante na nasa kakaibang sitwasyon, partikular ngayong panahon ng pandemya, paglilinaw ni Education Assistant Secretary Alma Ruby C. Torio.
Sa kanyang paliwanag sa BM Coffee Club sa pamamagitan ng virtual presser na may temang Investing in Education: Learning to Survive, Survive To Learn kahapon, sinabi ni Torio na matagal nang ginagamit ng ibang guro ang flexible learning kahit noong wala pang Covid19 pandemic.
Ayon kay Torio, ang flexible learning ay ginagamit sa mga mga pambihirang pagkakataon gaya ng kung may sakit ang estudyante, may special needs ang learners tulad sa Special Education o kaya naman ay sa Alternative Delivery Mode.
Dagdag pa ni Torio na nangangahulugan lamang na ang flexible learning ay inisyatibo ng mga guro para gumawa ng paraan upang maturuan ang kanilang mga estudyante dahil sa hinihingi ng pagkakataon tulad ng pagkakasakit o kaya naman ay naantala ang pag-aaral dahil nagkabagyo o nawalan ng signal ang internet.
Kasabay nito ay pinawi ng DepEd ang pangamba na isang mind conditioniong ang pagpapatibay nila sa pahayag ng Commission on Higher Education na matatagalan pa ang distance learning o hindi na magkakaroon ng face-to-face classes.
“Hindi po ito pagbabalewala sa face-to-face learning dahil ito (flexible learning) ay paraan lamang para maabot at maturuan ang mga estudyante, personally, ito ay ginagamit ko na pre-Covid19 pa sa pagnanais kong maturuan nang tama ang mag-aaral,” paliwanag pa ni Torio.