FINANCIAL AID SA LAW STUDENTS ISINUSULONG SA KAMARA
SA LAYUNING mapunan ang kakulangan ng mga public attorney sa bansa, isinusulong ni Parañaque City 2nd District Rep. Joy Myra Tambunting ang panukala na magbibigay ng insentibo sa mga nais maging abogado.
Sa kanyang House Bill 7822 o ang proposed Abogado Para sa Bayan Act, sinabi ni Tambunting na responsibilidad ng Estado na matiyak na walang sinuman ang mapagkakaitan ng buhay, kalayaan o pag-aari nang hindi dumadaan sa due process ng batas.
Idinagdag ni Tambunting na obligasyon ng pamahalaan na bumalangkas ng mga paraan upang maka-recruit ng mas marami pang abogado sa Public Attorney’s Office para pagsilbihan ang mahihirap at marginalized people.
“This measure seeks to incentivize law students to eventually join the ranks of the Public Attorney’s Office through the Abogado Para sa Bayan Program,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa panukala, pagkakalooban ng financial assistance ang mga estudyanteng nais maging abogado, kabilang na ang bayad sa kanilang matrikula at iba pang school fees, gayundin ang textbooks at essential school supplies, transportation expenses at monthly living allowance.
Ang financial assistance na ibibigay ay regular na irerebyu, depende sa pangangailangan ng law students.
Upang mag-qualify sa programa, ang aplikante ay dapat na may bachelor’s degree mula sa kilalang tertiary education institution; pasado sa entrance exam sa law school na mapipili ng Department of Justice; dapat naka-enroll sa Juris Doctor o Legum Baccalareus course at may good moral character.
Nakasaad pa sa panukala na sa sandaling makalagda sa roll of attorneys, ang grantee ay kinakailangang magsilbi ng limang taon sa PAO bago makalipat sa ibang law office.