FILIPINO, PANITIKAN IPINATUTURO SA KOLEHIYO
ISINUSULONG ng Makabayan Bloc sa Kamara ang panukala na maisama sa curriculum sa kolehiyo ang siyam na yunit ng Filipino subject at tatlong yunit ng Panitikan.
Inihain nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Bayan Muna Partylist Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep Sarah Jane Elago ang House Bill 223.
“Magiging puspusan lamang ang pagtataguyod sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng antas ng sistemang pang-edukasyon kung puspusan ding itataguyod ang pagtuturo nito bilang asignatura sa lahat ng antas ng edukasyon,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na hindi sapat ang mga asignaturang Filipino sa Junior at Senior High School dahil maraming aspeto ng lenggwahe, halaga at paggamit nito ang hindi itinuturo at hindi kayang ituro sa antas ng sekondarya.
“Wala tayong maiaambag sa edukasyong pangkultura ng mga mamamayan ng daigdig kung hindi natin lilinangin ang ating sariling wika, kultura at identidad,” giit pa ng mga mambabatas.
Batay sa panukala, ituturo ang mga subject na Filipino at Panitikan sa lahat ng estudyante sa pampubliko o pribadong kolehiyo o unibersidad, anuman ang kurso.
Sa sandaling maisabatas, minamandato ang pagsasanay ng mga ahensiyang pang-edukasyon, sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Filipno sa bawat kolehiyo o unibersidad.