FEEDING PROGRAM NG DSWD PINUNA NG MGA SENADOR
KINUWESTIYON ng mga senador ang ilang programa ng Department of Social Welfare and Development na ang layunin ay resolbahin ang malnutrisyon at matiyak ang pag-aaral ng mga batang Pinoy.
Sa pagtalakay sa panukalang budget ng DSWD para sa susunod na taon, pinansin ni Senador Panfilo Lacson na sa kabila ng feeding program ng ahensiya ay hindi nagbabago ang datos ng mga malnourished na bata sa Pilipinas.
Tinukoy ni Lacson ang datos ng United Nations Children’s Fund na nagsasabing isa sa bawat tatlong batang Pilipino ang maliit at payat sa kanilang edad.
“So hindi nagbabago ang datos ng stunting rates natin. So kung tayo ay may feeding program ‘di ba dapat nakakabawas tayo sa malnutrition?” pahayag ni Lacson.
“Ang observation ng Unicef dito poor diet, inadequate nutrition and food systems that are failing them. Meaning nagpe-fail ang programa sa mga infants,” dagdag ng senador na tinukoy ang Supplementary Feeding Program ng DSWD.
Iminungkahi ni Lacson na ire-calibrate ng ahensiya ang programa.
“Malaki kasi ang total nito for the last five to six years ay P23 billion na. Baka puwede mag-recalibrate ng programa?” diin ni Lacson.
Sa panig ni Senadora Imee Marcos, iginiit niyang dapat pagtuunan ng pansin ang isyung ito.
“The stunting data seems immovable, hindi na nag-improve,” ani Marcos.
Pinuna rin ng dalawang senador ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno na patuloy ang pagtaas ng budget sa bawat taon.
Sinabi ni Lacson na simula noong 2016, ang P62.6 bilyong pondo para sa 4Ps ay tumaas na sa P89.7 bilyon noong 2019 subalit hindi naman nababawasan ang unemployment.
“Noong 2016, 2.363 million ‘yung ating unemployed, noong 2017, 2.441 million, 2018, 2.3 million—bumaba. Tapos 2019, 2.3 million, tumaas ito noong 2020,” sabi ni Lacson.
“Kung ating ija-juxtapose doon sa unemployment rate ng ating bansa doon sa binibigyan natin ng ayuda…Ang pagkaintindi ko dito, kaya natin binibigyan ng ayuda, darating ang panahon, makaka-graduate sila doon sa 4Ps. At totoo naman talagang may grumaduate dito. Ang hindi ko lang ma-reconcile kasi halos hindi nagbabago ‘yung unemployment rate,” paliwanag pa ng senador.
Sinabi naman ni Marcos na wala siyang nakikitang long-term impact ng programa sa unemployment figures.
Ipinaliwanag naman ni DSWD National Program Manager for 4Ps Gemma Gabuya na ang programa ay nakadepende rin sa Department of Labor and Employment
“4Ps has been a program for the last 13 years and this is primarily an investment on the children of poor families. So, for that 13 years, mga around 1.9 million pa lang po ang nabigyan ng livelihood,” aniya.
Sinabi ni Gabuya na nakatutok ang programa sa pagtiyak na ipagpapatuloy ang edukasyon ng mga batang kabilang sa 4Ps families.