Nation

FARM TO SCHOOL PROGRAM PINAG-AARALAN NA NG TECHNICAL WORKING GROUP NG KAMARA

/ 6 June 2021

BUMUO na ng technical working group ang House Committee on Basic Education and Culture para pag-aralan ang mga panukala sa pagpapatupad ng National Farm to School Program.

Sa virtual hearing ng komite na pinangunahan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, tinalakay ang House Bills 7009 at 9318 na nagsusulong na direktang bilihin sa mga magsasaka ang mga produktong gagamitin sa feeding programs sa mga paaralan.

Tinalakay rin ang House Bill 5907 na nagpapalawig naman sa national feeding program sa mga undernourished children sa secondary schools.

Sa pagdinig, binigyang-diin ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, may-akda ng House Bill 7009, na sa pamamagitan ng panukala ay mabibigyan ng promosyon ang food at agriculture-based learning activities at maitataguyod ang kalidad ng kaalaman sa gardening, agriculture, proper nutrition, at responsibility.

Idinagdag pa ng kongresista na magbubukas din ito ng economic development opportunities dahil sa pagmamandato ng pagbili ng pagkain direkta sa local farms at producers.

Samantala, ang House Bill 9318 naman ay isinusulong ni Paranaque City 2nd District Rep. Joy Myra Tambunting na kahalintulad din ang layunin sa panukala ni Garin.

Ipinaalala ni Tambunting na ang mga magulang ang pangunahing responsable sa pagbibigay ng pangangailangan ng kabataan kasama na ang malinis, sapat at malulusog na pagkain. Gayunman, responsibildiad ng gobyerno na suportahan ang edukasyon ng kabataan.

Kasabay nito, sinabi ng kongresista na responsibilidad din ng pamahalaan na suportahan ang agricultural sector.