FAPSA SA DOLE: KAILANGAN NAMIN NG AYUDA
UMAPELA ng ayuda ang Federation of Associations of Private Schools & Administrators mula sa Department of Labor and Employment.
Bagaman pinuri ni FAPSA president Eleazardo S. Kasilag ang P1-bilyong COVID Adjustment Measure Program ng DOLE, sinabi niya na higit na dapat bigyan ng konsiderasyon ang mga pribadong paaralan na patuloy na nakararanas ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang safety net program ay nagbibigay ng isang beses na tulong pinansiyal sa mga apektadong manggagawa sa pormal na sektor dahil sa pandemya at sa deklarasyon ng Alert Level 3 o mas mataas sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Kasilag na ang mga nakinabang na mula sa CAMP sa panahon ng pagpapatupad ng Bayanihan 1 at 2 ay hindi kasama sa CAMP 2022.
“But it has to be understood that small private schools are in the worst situation now,” dagdag pa ni Kasilag.
Aniya, kailangan na ng ayuda ng mga pribadong eskuwelahan.
“The school owners had been operating in a bankrupt position but had to hang on to dear life to save teachers, who also have nothing to cling to,” sabi pa ng opisyal.
“We need this DOLE ‘ayuda’ now,” dagdag pa niya.