FACEBOOK LIVE CLASSES LARGA NA SA VALENZUELA
DAHIL 90 porsiyento ng mga estudyante at magulang sa Valenzuela City ang may access sa Facebook, nagpasiya ang lokal na pamahalaan na gamitin ang social media platform para sa kanilang online classes.
Sinabi ni Senador Win Gatchalian, kapatid ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, na batay sa kanilang survey, lumitaw na 80 perce ng mga estudyante ang may sariling gadget at may internet connection.
“We found out that almost 80% ng students namin may connection sa internet at mayroon silang smartphones through their parents. So, ang ginawa namin doon bumili kami ng tablets sa remaining 20 percent (30,000 students) at when we asked our parents kung ano ‘yung kanilang preferred interaction, we found out that almost 90 percent sa kanila may Facebook,” paliwanag ng senador.
Nilinaw naman ng mambabatas na bagama’t mayroon silang sariling video program ay gagamitin pa rin nila ang mga programa ng Department of Education sa national TV at radio.
“‘Yung competencies pareho, nationwide ‘yung itinuturo ng DepEd pareho lang, it’s how you deliver it will be different,” dagdag ni Gatchalian.
Sinabi ng senador na mayroon silang binuong team kabilang ang mga guro na magtuturo nang live sa Facebook subalit ia-upload din nila sa YouTube para sa mga estudyante na nais balikan ang lessons.
“In other areas, not in Valenzuela, asynchronous, record lang sila ng record, iu-upload lang nila let’s say in youtube tapos pwede panoorin ng bata anytime, so hindi siya synced. Sa Valenzuela we chose synchronous kasi we found out sa Metro Manila hindi masyado issue ang connectivity, as we all know, para yung bata maka participate actively,” paliwanag ng mambabatas.