Nation

FACE-TO-FACE CLASSES MALABO PA

POSIBLENG hindi pa rin maipatupad ang face-to-face classes sa susunod na pasukan, ayon sa Department of Education.

/ 21 May 2021

POSIBLENG hindi pa rin maipatupad ang face-to-face classes sa susunod na pasukan, ayon sa Department of Education.

Sa Laging Handa press briefing kahapon, sinabi ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na magpapatuloy ang ‘no face-to-face classes’ sa School Year 2021-2022 makaraang ikonsulta ni Education Secretary Leonor Briones sa iba pang mga opisyal ng kagawaran ang magiging proposal kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa magiging porma ng pag-aaral sa darating na school year.

“We will not return to educational face-to-face learning delivery system if it will not be allowed by the IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases), by our protocol and, of course, the President,” ayon kay Sevilla.

Sinabi pa ng opisyal na magpapatuloy ang blended learning, o paggamit ng internet, modules, radio, at television sa pag-aaral na siyang kasalukuyang pamamaraan ng pagtuturo sa mga estudyante.

“Right now, the DepEd has prepared a proposal that we will submit to the President and the Cabinet level,” dagdag pa ni Sevilla.

Kabilang dito ang pagbubukas ng klase para sa susunod na pasukan sa Agosto 23 subalit magbibigay pa rin sila ng ibang mga pestsa.

Ang klase sa mga pampublikong paaralan noong nakaraang school year ay nagsimula noong Oktubre sa halip na Hunyo dahil sa Covid19 pandemic.