Nation

FACE-TO-FACE CLASSES KINANSELA NI DUTERTE DAHIL SA BAGONG STRAIN NG COVID-19

BINAWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ibinigay na ‘go signal’ kay Department of Education Secretary Leonor Briones para sa pilot implementation ng face-to-face classes sa low-risk areas sa Enero, 2021.

/ 27 December 2020

BINAWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ibinigay na ‘go signal’ kay Department of Education Secretary Leonor Briones para sa pilot implementation ng face-to-face classes sa low-risk areas sa Enero, 2021.

Sa kanyang public address sa ipinatawag na emergency meeting kasama ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force at ilang health experts kaugnay sa bagong strain ng Covid19, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya maisusugal ang kaligtasan ng mga estudyante.

“With the new strain, whether it’s true or not, maybe it’s true, ‘yung order ko noon kay Briones, I’m calling back the order and I will not allow face-to-face classes of children until we are through with this,” pahayag ni Pangulong Duterte.

“We have to know the nature of the germ that we are confronting. Wala pa tayong alam. I cannot take the risk of allowing the children. That would be a disaster, actually. Be mindful of that, I am cancelling the order I gave a few weeks ago,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa emergency meeting, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bagama’t nasa 70 percent ang transmissibility rate ng bagong strain ng virus, wala pang indikasyon na nagdudulot ito ng mas seryosong epekto.

Idinagdag pa ni Duque na sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapasok sa bansa ang bagong strain.

Gayunman, inirekomenda ni Duque ang pagsasailalim sa 14-day mandatory quarantine sa mga taong magmumula sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng bagong strain ng Covid19.

Una nang nanindigan si Senador Bong Go laban sa pilot implementation ng face-to-face classes.

“Huwag po nating ipasubo ang mga estudyante. Kapag may nag-positive diyan kahit isa, panibagong contact tracing na naman tayo. Back to square one na naman, panibagong trabaho. Bakit hindi pa natin hintayin ang next school year sakaling ma-attain na natin ang herd immunity,” diin ng senador.

“Nakakabahala kung bubuksan pa natin ang klase. Unahin natin ang buhay at kaligtasan ng bawat Filipino. A life lost is a life lost forever,” paalala pa ng mambabatas.