F2F CLASSES SA COVID-FREE BATANES INIHIRIT
HINIMOK ni Batanes Lone District Rep. Ciriaco Gato Jr. si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na payagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa kanilang lalawigan.
Sa kanyang House Resolution No. 1057, inisa-isa ni Gato ang mga dahilan kung bakit mas nararapat sa kanilang lalawigan ang tradisyunal na sistema sa pagtuturo sa halip na distance learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Ayon kay Gato, mababa ang panganib ng virus sa kanilang lalawigan na nananatili aniyang Covid-free.
Ipinaliwanag din ng kongresista na ang ratio ng kanilang guro sa bawat estudyante ay nasa 1:11 o 1:12 kaya kumpiyansa siyang maidaraos ang face-to-face classes nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang school personnel.
Nakasaad din sa resolusyon ng kongresista na hindi maaasahan ang internet connection sa Batanes at katunayan, hiniling na nila kay Department of Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan ang pagtatayo ng transmission towers sa pito nilang barangay.
Iginiit ng mambabatas na kung online classes ang ipatutupad, maraming mga estudyante sa lalawigan ang hindi makakasunod dahil na rin sa kawalan o mahinang internet connection.
Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng face-to-face classes para sa pagkakaroon ng active participation, immediate feedback, comprehension at ng socio-development ng mga estudyante.
Kinumpirma rin ni Gato na ang kanyang resolusyon ay suportado ng kanilang provincial government, kabilang na si Batanes Gov. Marilou Cayco at ang anim na alkalde, gayundin ang mga guro at magulang.