Nation

F2F CLASSES SA ADULTS MUNA, AYON SA SENADOR

/ 24 February 2021

AMINADO ang ilang senador na dapat gawing dahan-dahan ang muling pagbubukas ng mga paaralan sa gitna pa rin ng paglaban ng bansa sa Covid19.

Sinabi ni Senador Koko Pimentel na dapat simulan ang face-to-face classes sa mga estudyanteng kaya nang sumunod sa health protocols.

“Siguro sa mga adults na puwede mo nang pagsabihan na observe health protocol kasi sa bata kahit ulit-ulitin mo ‘yan hindi naman sila mag-o-observe. So ‘wag muna sa mga bata na mahirap din i-enforce ang rule kasi mga bata ‘yan ‘pag gusto nila maglaro wala tayong magagawa,” pahayag ni Pimentel.

“Sa mga adult muna. I think bubuksan na nila sa Medical School. Maganda ‘yan kasi kailangan natin ng more practitioners,” dagdag pa ng senador.

Sinabi naman ni Senador Migz Zubiri na kailangan munang pag-aralang mabuti ng mga awtoridad kung kailan ang tamang panahon na buksan na muli ang mga eskwelahan.

“Sa Europa, nagkakaroon sila ng serious lockdown, ang Paris, London nag-surge sila dahil ibinaba ang protocol. Nag-open sila ng economy, mga coffee shop, ang school face-to-face learning, bumalik ang Covid19 at napakatindi biglang dumami ang namatay, struggling sila with 2nd wave, so huwag tayong magkamali,” paliwanag ni Zubiri.

“So far, ang contamination rate natin less than 2000 people pero kung magbukas tayo bigla, diyan po babalik ang Covid. Traydor ‘yan. Ako ay natamaan, dalawang beses na ‘yan, ‘di mo alam saan galing at biglang dadapo sa’ yo,” dagdag pa ng senador.

Sinabi naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na mas makabubuting unti-unting magbukas kung nakapagsimula na ng pagbabakuna.

“Ako ang tingin ko, opinyon ko lang naman ito, ang tingin ko kapag siguro mga at least naka-5 percent na tayo ng nabakunahan,” pahayag ni Sotto.