F2F CLASSES POSIBLE SA ILANG LUGAR SA KABILA NG PANDEMYA – SOLON
MAS makabubuting ipaubaya sa local school boards ang mga hakbangin para sa pagbubukas ng klase at maging sa implementasyon ng sistema ng pagtuturo, ayon kay Sen. Imee Marcos.
Kaugnay nito, nanawagan si Marcos sa Department of Education na i-activate ang lahat ng school boards sa bansa para sa pagpapatupad ng iba’t ibang uri ng pamamaraan sa pag-aaral.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi pare-pareho ang sitwasyon sa bawat lugar sa bansa.
May mga probinsya umanong wala o mababa ang kaso ng Covid19 subalit mahina ang internet connection, habang sa Metro Manila at iba pang lugar ay mataas ang kaso ng coronavirus subalit may internet namang maasahan.
Nangangahulugan, aniya, na may mga lugar na maaaring isagawa ang face-to-face classes na kaakibat ang mahigpit na pagsunod sa health protocols, habang sa ibang lugar ay distance learning ang dapat ipatupad.
“May sinasabi sa politika na huwag sinasayang ang krisis. Sa bawat sakit ng ulo, may mga pagkakataon. Pagkakataon siguro ngayon na tigilan ang ‘one size fits all’,” pahayag ni Marcos.
Iginiit ng senadora na ang kailangan lamang ay magtulungan ang DepEd, school boards at ang local government units para sa mas epektibong pag-aaral ng mga bata.
Dapat din umanong magdesisyon na ang DepEd ngayon pa lamang, katuwang ang Department of Information and Communications Technology, sa kung anong paraan ang ipatutupad upang makapaghanda na hindi lamang ang mga guro kundi maging ang mga magulang at mga estudyante.