F2F CLASSES NANANATILING LIGTAS VS COVID-19
NANANATILING ligtas ang face-to-face classes laban sa Covid19, ayon sa Department of Health.
NANANATILING ligtas ang face-to-face classes laban sa Covid19, ayon sa Department of Health.
Ayon kay Usec. Maria Rosario Vergiere, OIC ng DOH, wala silang natatanggap na ulat na nagkarooon ng hawahan ng coronavirus disease habang nasa eskwelahan at ligtas sa anumang banta ng sakit ang mga estudyante sa lahat ng antas ng edukasyon.
Dagdag pa niya, patuloy ang kooperasyon ng DOH sa Department of Education upang matiyak na hindi malalagay sa peligro at mananatiling ligtas ang mga paaralan at mag-aaral laban sa sakit.
Lahat din, aniya, ng mga tagubilin ng DOH at general health protocols ay nasusunod sa mga paaralan.
Gayunman, aminado pa rin si Vergiere na may mga pagkakataon na nagkakaroon ng siksikan partikular tuwing oras na ng uwian dahil dito na sinusundo ang mga bata at siksikan ang mga nanay o guardian habang naghihintay sa loob at labas ng mga paaralan.
Bunsod nito ay nakipag-ugnayan na, aniya, ang DOH sa Department of the Interior and Local Government at sa mga lokal na pamahalaan upang magawan ng solusyon ang nasabing isyu at nang matiyak ang pagbaba ng kaso ng hawaan.
Sinabi rin ni Vergeire na minimal ang bilang ng mga kaso ng mga pumapasok na bata na nagkakasakit.