F2F CLASSES MALABO PA SA ENERO 2021 — SENADOR
DUDA si Senador Win Gatchalian na matutuloy na ang face-to-face classess sa Enero nitong susunod na taon.
Batay sa pagsusuri sa panukalang budget ng Department of Education, sinabi ni Gatchalian na maaaring magpatuloy pa sa susunod na taon ang ipinatutupad na modular o blended learning.
“Next year, mayroon ding budget para sa mga module, so ibig sabihin mayroong posibilidad na hindi pa rin matutuloy ‘yung face-to-face next year,” pahayag ni Gatchalian.
Dahil dito, hinikayat ng senador ang DepEd, gayundin ang mga guro, magulang, mga estudyante, kasama na rin ang mga lokal na pamahalaan, na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang mga posibleng senaryo sa pagpasok ng 2021.
“Mabilis ang panahon, Oktubre na ngayon, sa tatlong buwan magbabagong taon na naman at kailangan nating paghandaan ‘yung aktibidad para sa next year,” diin ng mambabatas.
Muli ring hinikayat ni Gatchalian ang DepEd na gamitin na ang P4 bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act para ipambili ng gadgets para sa mga guro.
“Ang aking suhestiyon sa kanila ay gamitin ito sa pagbili ng laptop para ipamigay sa mga guro natin at sa punong guro dahil marami pa rin sa kanila ay kulang ang kagamitan para maumpisahan ‘yung pagbubukas ng klase, marami silang gagawin ‘yung mga modules at assessment,” paliwanag ng senador.
“Ang unang hakbang po ay dapat mabigyan ng tamang suporta at tamang kagamitan ang ating mga guro sa pagtuturo. Marami pa rin tayong mga guro na kulang at wala silang mga ganitong mga laptop, kailangan nila ito para magawa nila ng maayos ang kanilang trabaho,” dagdag pa ni Gatchalian.