Nation

F2F CLASSES LUBHANG MAPANGANIB PA — TDC

/ 21 September 2021

Naniniwala ang Teachers’ Dignity Coalition na hindi pa napapanahon at lubhang mapanganib pa ang pagdaraos ng face-to-face classes dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid19 sa buong bansa.

Ayon kay Benjo Basas, pangulo ng grupo, hindi pa rin naisasaayos ang Covid response ng pamahalaan at patunay rito ang mahigit sa  20,000 bagong kaso na naitatala halos araw-araw sa nakalipas na linggo, sa kabila ng isa’t kalahating taon ng iba’t ibang uri ng lockdown at multi-bilyong pisong gastos.

“Kaya kung itutulak ang in-person classes ay tila isinusubo sa panganib ang mga mamamayan, lalo na ang mga bata,” ani Basas.

Ayon sa Department of Education, boluntaryo lamang ang planong pilot implementation, at isasagawa lamang sa 120 paaralan na nasa low-risk areas.

Iginiit ng TDC na dapat planuhin at isagawa nang mabuti ang pilot implementation ng in-person classes at tiyaking mabuti ang kaligtasan ng lahat ng kalahok sa piloting at may mananagot sakaling may mahawa dahil sa pagsasagawa nito.

“Upang matiyak na hindi matatakasan ng DepEd ang kanyang pananagutan katulad ng kung paano nito binalewala ang Alternative Work Arrangement ng mga guro (na batay mismo sa kanyang kautusan), kailangang pumirma ng isang kasunduan o affidavit of undertaking ang DepEd na kung sakaling mayroong mahawa ng Covid ay pananagutan nila ito. Magbibigay sila ng medical at financial assistance at haharap sa kasong administratibo ang sinumang magpapabaya,” ani Basas.

“Nakalulungkot lamang sapagkat tila nasanay na ang pamahalaan na ibala ang mga guro at kawani sa mga programang walang kahandaan at katiyakan at isuong sila sa panganib,” dagdag pa niya.

Kung nais na bumalik na sa normal na pamumuhay ay kailangan aniyang unahin muna ang pagbabakuna, partikular sa mga frontliner sa iba’t ibang larangan, kabilang ang mga guro na nasa 40 percent pa lamang ang bakunado, ayon sa DepEd noong Setyembre 30.

“Bagaman naniniwala kami na walang mas mainam na paraan kundi ang face-to-face classes, hindi ito pinapayagan ng kasalukuyang sitwasyon ng pandemya,” ani Basas.

“Ang edukasyon ay maaaring maantala at sa ngayon, mas mahalaga ang buhay at kalusugan ng mga bata at mamamayan. Anumang polisiya na maaaring makadagdag sa pagkalat ng infection ay dapat pag-isipan at timbangin nang mahusay,” dagdag pa niya.