F2F CLASSES ITULOY — TEACHER SOLON
MAY MAGKAIBANG pananaw sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at House Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Roman Romulo kaugnay sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pilot implementation ng face-to-face classes sa piling mga lugar sa Enero.
Kinontra ni Castro ang naging aksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pinangangambahang pagpasok sa bansa ng bagong strain ng Covid19.
“Mukhang ‘di gaanong napag-aralan ang desisyon. Kung may kakalat na ibang strain ng Covid19, dapat i-restrain o isara muna ang mga port of entry ng mga bansang may confirmed cases like United Kingdom, Malaysia, etc,” sabi ni Castro sa The POST.
Iginiit pa ng kongresista na dapat ituloy pa rin ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng virus.
“Sa mga rural areas na napag-aralan ng Department of Education at Department of Health na low-risk dapat ituloy ang pilot reopening ng F2F classes,” dagdag ng kongresista.
Sa panig naman ni Romulo, binigyang-diin niya na maganda ang naging hakbang ng Pangulo para na rin sa kapakanan ng kalusugan ng mga estudyante at guro.
“Dahil sa mga balita na may bagong strain ng Covid19 sa UK at sa iba pang bansa at dumarami ang mga reported cases ng Covid19 sa ibang mga kapitbahay na bansa natin, tama ang desisyon ni Pres. Duterte na huwag munang ituloy ang pilot face-to-face classes,” sabi pa ni Romulo.
“Maghintay tayo ng payo ng mga medical and science experts bago ituloy ang pilot face-to-face,” dagdag pa niya.