F2F CLASSES HUWAG MUNA SA METRO MANILA — LAWMAKER
PABOR si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara sa panukala ng Metro Manila mayors at ng Inter-Agency Task Force na isailalim na sa Modified General Community Quarantine ang lahat ng lugar sa bansa.
PABOR si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara sa panukala ng Metro Manila mayors at ng Inter-Agency Task Force na isailalim na sa Modified General Community Quarantine ang lahat ng lugar sa bansa.
Ipinaliwanag ni Angara na matagal nang nasa ilalim ng General Community Quarantine ang Metro Manila at marami nang negosyo ang labis na nasasaktan.
“Palagay ko ay kailangan talaga natin, dahil ang tagal na natin sa GCQ, ang establishments hirap na hirap dahil ang tagal nating naka-GCQ parang 3rd quarter pa ng nakaraang taon pinag-uusapan na. Mag-ingat lang tayo at lahat ng paghahanda gawin na natin, mag-cooperate sa isa’t isa,” pahayag ni Angara.
Gayunman, kung face-to-face classes ang pag-uusapan, hindi sang-ayon ang senador na gawin na ito sa mga paaralan sa National Capital Region.
“Sa face-to-face classes siguro piliin muna natin ang lugar na mababa ang bilang. Let’s say ‘wag muna sa NCR dahil siksikan dito. ‘Wag muna sa urban areas, doon muna sa lugar na mabababa ang recorded cases. ‘Yung walang recorded cases in the last few months puwede hong mag-face-to-face classes,” paliwanag ng senador.
Kasabay nito, iminungkahi ni Angara na kung isasailalim na sa MGCQ ang buong bansa, dapat ay magkaroon muna ng dry run sa transportasyon upang matiyak na hindi muling tataas ang kaso ng Covid19.
“Okay na mag-move tayo sa MGCQ pero dahan-dahan, kung puwede ay mag-dry run tayo sa transportasyon, sa mga bus, sa mga tren, subukan muna natin,” diin pa ni Angara.
Kung si Senador Bong Go naman ang tatanungin, hindi siya pabor na umpisahan na ang pagluwag ng ekonomiya hanggang hindi nasisimulan ang vaccination program ng gobyerno.
“Ako naman personally ‘pag wala pang rollout, ‘wag muna tayo magluwang dahil delikado pa ang panahon. Unahin nating magkaroon ng rollout. Bakuna first before anything else. Kapag nakapag-umpisa maaaring unti-unti nating buksan,” diin ni Go.