F2F CLASSES GAWIN SA SUSUNOD NA SEMESTRE O TAON — SENADOR
KUNG si Senador Christopher ‘Bong’ Go ang masusunod, mas nais niyang simulan ang unti-unting face-to-face classes sa susunod na semestre o sa susunod na taon na lamang.
Nanindigan si Go na dapat pag-aralang mabuti ang pagsasagawa ng face-to-face classes lalo pa’t tumataas din ang kaso ng Covid19 sa kabataan.
“Bilang miyembro ng Gabinete ay gusto ko pong buksan unti-unti, pilot po ng face-to-face, kaya lang po dapat pag-aralan munang mabuti dahil nabalitaan ko about 99 na minors ang nagpositibo, ang problema diyan kapag face-to-face tayo tapos ang mga estudyante po ang nagpositibo dahil hindi pa sila bakunado dahil wala pa sila sa priority list, back to zero na naman tayo,” pahayag ni Go.
Kinontra rin ng senador ang mga pahayag na mas makokontrol ang mga bata kung papayagan na silang pumasok sa paaralan at hindi hahayaang maglaro lamang sa kalsada.
“Hindi natin kontrolado ang mga bata kapag nasa classroom, hindi natin masasabihan ‘yan na, ‘hoy mag-social distancing kayo’. So, ang importante dito ay safe po ang mga bata dahil mababahala po ang mga magulang,” diin ni Go.
“Maybe pag-aralan po ng gobyerno para sa opening po ng next school year, ibig sabihin baka puwede po sa susunod na semester o susunod na taon. Huwag muna nating biglain dahil baka mabigla tayo o mabulaga tayo baka marami pong magpositibong bata at hindi na natin makontrol,” dagdag pa ng senador.
Sa kabilang dako, pabor naman si Go na payagan na ang mga bakunadong college student na makabalik sa eskwelahan.
“Kapag bakunado, bigyan natin ng insentibo ang bakunado para ma-engganyo po ang mga kababayan natin na magpabakuna. Dapat po bigyan ng insentibo…Puwedeng pag-aralan kapag bakunado ka na puwede ka nang face- to-face classes, ‘yung mga college students more or less protektado po sila,” dagdag pa ni Go.