EXEMPTION SA RIGHTSIZING NG TEACHING POSITIONS KINUWESTIYON
HINDI pabor si Senate President Francis Chiz Escudero sa panukalang hindi isama sa rightsizing ang teaching at teaching-related positions sa elementary, secondary, technical vocational at state universities, gayundin ang Military and Uniformed Personnel.
Iginiit ni Escudero na may mga pulis, sundalo at teachers na hindi naman ginagawa ang kanilang tunay na mandato.
Inihalimbawa ng Senate leader ang mga sundalong nagbabantay sa mga kampo na dapat ay ginagawa ng security guard.
May mga pulis din, aniya, na ang trabaho ay driver ng mga heneral maliban na lamang sa mga nakatalaga sa war zone subalit kung nasa Metro Manila ang mga driver ng mga heneral ay drivers lamang at hindi mga pulis.
Sinabi ni Escudero na dapat maisama sa Rightsizing bill ang pagtitiyak na kung ano ang item ng isang manggagawa ay iyon ang tutugunan niyang mandato.
Isa pa sa sinita ni Escudero ang item ng mga principal na nasa ilalim pa rin ng teaching position subalit hindi naman na sila nagtuturo dahil marami na silang trabaho.
Hiniling ng senador sa Department of Education na gawan ng aksiyon na ang mga principal ay administrators na lang at hindi na teacher.