Nation

EX-US DIPLOMAT NA KINASUHAN NG CHILD ABUSE POSIBLENG I-EXTRADITE SA PINAS

/ 15 August 2021

ISINUSULONG na ng Department of Justice ang extradition sa isang dating United States diplomat na sangkot sa pangmomolestiya sa isang 16-anyos na dalagitang Pinay at sa pag-iingat ng ‘pornographic materials’ habang nakaistasyon sa bansa.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kinasuhan na si dating US diplomat Dean Edwards Cheves ng paglabag sa Child Abuse Law at Child Pornography Law sa Pasay City Regional Trial Court dahil sa umano’y pang-aabuso sa isang minor.

Inatasan na ni Guevarra ang  Office of the Chief State Counsel para sa susunod na hakbang sa extradition ni Cheves.

Batay sa record, napauwi si Cheves sa Estados Unidos nitong Marso 2021.

Nahaharap din ito sa kasong pangmomolestiya sa Virginia, USA.

“The Department of Justice and the Department of Foreign Affairs are currently discussing the proper course of action, considering that Mr. Cheves is also facing criminal charges in the US for the same acts under US laws,” pahayag ni Guevarra.

Nadiskubre kay Cheves ang isang mobile phone na may video ng kanyang pangmomolestiya sa Pinay na dalagita na nakilala niya sa online.

Nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa DFA hinggil sa mga legal na isyu sa immunty ng mga diplomat sa ilalim ng Vienna Convention at hurisdiksiyon sa mga kasong kriminal.

Sa oras na malinawan, dito na aaksiyon ang DOJ kung mapapa-extradite si Cheves sa Pilipinas para kaharapin ang kanyang kaso dito.