Nation

EX-STUDENT ACTIVISTS MGA PROPESYONAL NA AT NAMUMUHAY NANG TAHIMIK

/ 31 January 2021

NILINAW ng isang dating opisyal ng Philippine Peace Panel at UP alumnus na namumuhay na nang marangal at mga propesyonal na ang kanyang mga nakasama sa aktibismo sa paaralan, 40 taon na ang nakalilipas kaya hindi na dapat pang i-red-tag ng Armed Forces of the Philippines.

Sa media forum ng National Press Club kamakailan, nanawagan si Atty. Alexander Padilla, dating GRP Panel chair, sa AFP na maghinay-hinay o mag-ingat sa paglalabas ng ng listahan o red-tagging dahil marami ang nalalagay sa peligro ang buhay.

Aminado siya na naging aktibista siya noon bilang student leader at ang mga pangalan na nasa listahan na inilabas ng AFP ay mga kasamahan niyang mga student leader.

Kaya masama, aniya, ang kanyang loob dahil ang inilabas na listahan ay halatang nag-originate, 40 taon na ang nakalilipas, na muling binuhay.

“Ang lahat ng kasamahan ko sa listahan ay namumuhay na nang tahimik, may kabuluhan at mga propesyunal,” pagbibigay-diin ni Padilla.

Tiniyak naman niya sa AFP na hindi sila kasali o kasapi sa CPP/NPA at nilinaw na wala rin silang balak na labanan ang pamahalaan at naniniwala sila sa demokrasya at sa human rights.