ERMITA LIBRARY BUKAS NA
PINASINAYAAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang bagong ayos na pampublikong aklatan na matatagpuan sa kahabaan ng Taft Avenue sa Ermita.
Ang naturang aklatan ay may libreng fast internet connection para sa mga mag-aaral, sampu ng ilang mga computer set-up para sa mga nagnanais magsaliksik tungkol sa mga tiyak na paksa o makakonekta sa mga kaklase’t guro para sa mga konsultasyon at online na gawain.
Ayon kay Moreno, malaking tulong ang naturang aklatan para sa mga mag-aaral na may research classes. Kung wala ring sapat na badyet pampa-load ng internet ay maaaring pumunta sa Ermita Library upang manatili at magtapos ng mga academic requirement.
Sa kaniyang talumpati’y pinasalamatan niya ang St. Mary Publishing Corporation at ang pangulo nitong si Vicente Catbijan, sa pagbibigay ng mga librong nagkakahalagang isang milyong piso.
Matatandaan na si Moreno at ang Lungsod ng Maynila ang naunang nag-anunsiyong mamimigay ng libreng gadget at laptop sa lahat ng mga mag-aaral at guro ng mga pampublikong paaralan sa lungsod. Mayroon pa itong kasamang SIM card na may data allocation na magagamit sa pagdalo ng online classes.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakikipagtipan ang pamahalaang lungsod sa Schools Division Office upang tugunan ang iba pa nitong suliranin, lalo na sa paglilimbag at paghahatid ng mga self-learning module.