EO SA CLASS SUSPENSION I-ADJUST SA DISTANCE LEARNING — DEPED USEC
NANAWAGAN ang Department of Education sa gobyerno na i-adjust ang Executive Order 66 na inilabas noong 2012 na sinusunod sa class suspension.
Sa isang panayam, sinabi ni Department of Education Undersecretary Tonisito Umali na kailangang mag-adjust sa pagsuspinde ng klase dahil distance learning ang ginagamit ngayong taon.
“Baka kailangan na pong mag-adjust dahil distance learning naman po tayo. Napag-uusapan na po namin iyan sa DepEd at kami po ay makikipag-ugnayan sa Malacañang,” sabi niya.
Ipinaliwanag din niya ang suhestiyon na panuntunan ng DepEd ukol sa suspensiyon ng klase kapag may bagyo.
“‘Pag sinabi nating bagyo, Signal Number 2, malakas ho ang ulan. Eh, ‘yun po ‘yung araw ng pagkuha ng modules, halimbawa, ng ating mga magulang sa ating mga paaralan o kaya ‘yun naman po ‘yung araw na ibabalik ‘yung mga activity sheets. Naaapektuhan ang internet connectivity. Bumagsak ang tore o kung anuman. O kaya maaaring brownout, baka ganoon po at walang koryente para makapanood ng lessons,” wika ni Umali.
Sa kasalukuyan ay sinusunod pa rin ng DepEd ang rules sa pagkansela ng klase tuwing may bagyo.
“We still follow the rules on automatic cancellation of classes if there’s a typhoon signal declared by PAGASA. Parehong-pareho pa rin po. Wala pong pagbabago po sa ngayon,” dagdag ni Umali
Ayon sa EO 66, ang klase sa pre-school at kinder ay kanselado kapag idineklara ang Storm Signal No.1; elementary at high school sa Signal No.2; at lahat ng antas kasama ang pasok sa trabaho kapag Signal No. 3.
Pinapayagan din ng executive order ang mga lokal na pamahalaan na magkansela ng klase sa kani-kanilang nasasakupan.