Nation

EMERGENCY BROADBAND BENEFIT PACKAGE SA PH ISINUSULONG NG SENADOR

/ 4 January 2021

MARAMING estudyante ang makikinabang kung magpapatupad ng emergency broadband benefit package sa Filipinas na kahalintulad ng $900 billion coronavirus disease 2019 relief package ni US President Donald Trump.

Sa ilalim ng relief bill, naglaan ang US government ng $7 billion para itaas ang access sa broadband ng milyon-milyong estudyante, pamilya at mga unemployed worker ngayong mayroong pandemya.

Naniniwala si Senador Sonny Angara na kung may kahalintulad na relief package sa Filipinas, makatutulong ito sa mga estudyante na nag-aaral sa ilalim ng blended learning at sa mga empleyado na nasa work from home.

Sinabi ni Angara na ang emergency broadband benefit ay kailangan din sa Filipinas.

Iginiit pa ng senador na dapat pag-aralan ng gobyerno ang lahat ng programa lalo na para sa mga pampublikong eskwelahan upang makasabay ang mga pampublikong estudyante sa ‘new normal’.

Sa ulat naman ng mga telco, tumaas ng 500 porsiyento ang data usage nang mag-umpisa ang pandemya.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology, upang mapabilang ang Filipinas sa mga world class country pagdating sa internet connectivity at bilis ng internet service, kailangang mag-invest ang pamahalaan sa broadband.

Kinakailangan ng DICT ng inisyal na P18 billion para maipatupad ang National Broadband Plan.

Gayunman, kinaltasan ang DICT budget sa bicameral committee sa P956 million lamang.

Una na itong ikinadismaya ni Senador Panfilo Lacson dahil hindi ito tugma sa kinakailangang halaga upang maihatid ang bansa sa pagiging world class.