ELEMENTARY STUDENTS SA PRIVATE SCHOOLS IPINASASAMA SA AYUDA NG GOBYERNO
NAIS ng isang kongresista na palawigin ang saklaw ng tulong ng gobyerno sa mga guro at estudyante sa mga pribadong paaralan.
Sa kanyang House Bill 7426, pinaaamyendahan ni Baguio City Rep. Mark Go ang Republic Act 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act.
Sa kanyang panukala, iginiit ng kongresista na saklawin na rin sa tulong ang mga elementary student bukod sa mga mag-aaral sa high schools at vocational at technical courses.
Bukod dito, dapat din aniyang maisama sa in-service training fund ang mga guro sa elementary schools at hindi lamang ang high schools.
Sa kasalukuyan, saklaw ng E-GASTPE Act ang mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 12 o ang mga nasa Junior at Senior High School.
“Meanwhile underprivileged students and teachers in private elementary schools are left insecure without the privileges enjoyed by their high school counterparts,” pahayag ni Go sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ng kongresista na dahil sa Covid19 pandemic, maraming mga estudyante sa pribadong paaralan ang hindi na nakapag-enroll habang ang iba ay lumipat na sa public schools.
“Enrollment dropout and exodus to public schools are challenges faced by private schools long before the pandemic, but are now palpably exacerbated by our present predicament,” pahayag pa ni Go.
Ipinaalala ng solon na mahalaga ang mga pribadong learning institution sa paghubog ng magandang kinabukasan ng mga estudyante.
Sa kasalukuyan, iginiit ni Go na nanganganib magsara ang maraming pribadong paaralan dahil sa bagsak na bilang ng mga enrollee.