Nation

ELEMENTARY SCHOOL SA ILOILO, GAGAWING INTEGRATED SCHOOL

/ 26 February 2022

ISANG hakbang na lang ay maipapasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na gawing intergrated school ang Nabitasan Elementary School sa La Paz District, Iloilo City.

Ito ay makaraang maipasa na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10724 na substitute bill sa House Bill 911 at inaasahang sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo ay isasalang at lulusot na ito sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Sa inaprubahang panukala, iko-convert ang Nabitasan Elementary School bilang integrated school upang mapalawak ang serbisyo para sa edukasyon sa mga residente ng lugar.

Sa sandaling maaprubahan, isasama na sa programa ng Department of Education ang operasyon ng Nabitasan Integrated School at ang pondo ay magmumula sa General Appropriations Act.

Matatandaang una nang binigyang-diin ni Education Undersecretary Tonisito Umali na pabor sila sa mga ganitong panukala dahil alinsunod ito sa kanilang layunin na gawin nang integrated school ang lahat ng elementary school.

Layon nito na matiyak na may oportunidad sa full basic education — elementary at sekondarya, ang mga estudyante.