ELECTRONICALLY-OPERATED LIBRARY SYSTEM ISINUSULONG
ISINUSULONG ni Magdalo Party-list Rep. Manuel Cabochan ang panukala para sa pagpapalakas ng Philippine Public Library System upang makasunod sa pangangailangan ng modernong panahon.
Sa House Bill 8329, nais ni Cabochan na amyendahan ang Republic Act 7743 o ang batas sa pagtatayo ng congressional, city at municipal libraries at barangay reading centers sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Cabochan na mahalaga ang pagkakaroon ng public library upang mabigyan ang publiko ng sapat na impormasyon, kaalaman, kakayahan, gayundin ng libangan.
“Public libraries aid the overall development of the community. It is therefore imperative that they are supported with updated materials and resources, and safe and accessible infrastructure,” pahayag pa ni Cabochan sa kanyang explanatory note.
Gayunman, sinabi ni Cabochan na karamihan sa mga library sa bansa ay walang latest book collections at sa halip ay obsolete pa ang mga reading material at kulang-kulang ang mga record.
Layon ng panukala ng kongresista na tiyaking may latest reading materials sa mga library, may computer facilities at electronic library technology.
Dapat ding magkaroon ng affordable at reliable rental services ng ICT equipment tulad ng smartphones, tablets laptops, desktop computers at mobile wi-fi hotspots sa mga library.
Alinsunod sa panukala, regular na ia-update ang mga public library at lalagyan ng e-book, online research resources, subscriptions sa online academic journals, databases at periodicals.
Nakasaad din sa panukala na dapat tiyakin na pagsapit ng 2022, lahat ng cities at municipalities ay mayroon nang electronically-operated library system.