EDUKASYON SA MAHIHIRAP TIYAK NA SA MAGNA CARTA OF THE POOR — LAWMAKER
NANINIWALA si Senador Leila de Lima na sa pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations ng Magna Carta of the Poor Act ay matitiyak na ang tuloy-tuloy na edukasyon sa mahihirap.
Sinabi ni De Lima na maituturing na tagumpay ng mahihirap ang paglagda sa IRR ng Republic Act 11291.
“Roughly two years since the Magna Carta of the Poor was signed into law, its IRR was finally signed last Aug. 21, which could be a game-changer in our country’s fight against worsening poverty, especially amid the Covid19 pandemic,” pahayag ni De Lima.
Idinagdag ng senadora na bukod sa edukasyon, tiyak na rin ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mahihirap kabilang na ang sapat na pagkain, pabahay, trabaho at kalusugan.
Sa ilalim ng batas, mandato ng gobyerno na bumalangkas ng sistema para sa pagtiyak na maipagkakaloob at mapangangalagaan ang karapatan ng mahihirap na kabataan para sa dekalidad na edukasyon.
Kabilang sa benepisyaryo ng batas ang mga pamilya na hindi kayang tugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Tumutugon ito sa 4Ps Act na iniakda at inisponsoran din ni De Lima para ma-institutionalize ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program bilang anti-poverty program sa kuwalipikadong mahihirap na pamilyang Pilipino.