Nation

EDUCATIONAL FACILITIES NG PRIVATE HEIs IPAGAMIT SA SCUs, LCUs — SOLON

/ 30 November 2020

SA HALIP na kompetisyon, dapat pangunahan ng gobyerno ang pagtutulungan ng mga pribado at pampublikong higher education institution para sa kapakanan ng dekalidad na edukasyon sa tertiary level.

Ito ang iginiit ni Quezon City 3rd District Rep. Allan Benedict Reyes sa pagsusulong ng resolusyon para sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Kamara kung paano makabubuo ng pagtutulungan sa mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.

Sa House Resolution 1358, ipinaalaala ni Reyes na alinsunod sa Universal Access to Quality Education Act, dapat maging magkatugma ang adhikain ng mga public at private HEI at Technical-Vocational Institutions para matugunan ang karapatan ng lahat sa dekalidad na edukasyon.

“A number of private HEIs in the country were not able to operate for school year 2020-2021 due to the Covid19 pandemic. But even before the pandemic, there were already several private HEIs that have been forced to suspend operations due to low or no enrollment,” pahayag ni Reyes sa kanyang explanatory note.

Binigyang-diin ng kongresista na dahil sa mababang enrollment at pagsasara ng mga pribadong HEIs, marami ang nawalan ng trabaho.

Sa kabilang dako, tumaas naman ang enrollment sa mga public school, partikular sa state at local universities and colleges na nangangailangan naman ng maayos na educational facilities at amenities.

Iginiit ng mambabatas sa resolution na sa halip na magkaroon ng sariling mga pasilidad, maaaring maging bahagi ng pagtutulungan ang pagpapagamit sa mga SUC at LUC ng mga educational facilities at amenities ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

“This way, students in SUCs and LUCs are able to enjoy and make use of the state-of-the-art facilities and amenities of private HEIs,” dagdag pa ni Reyes.