Nation

EDUCATIONAL BENEFITS SA MGA NAULILA NG MGA PULIS ISINUSULONG

/ 17 August 2020

BILANG pagkilala sa kabayanihan ng mga miyembro ng Philippine National Police, isinusulong ni Senadora Grace Poe ang panukala na magkakaloob ng educational benefits sa mga anak ng mga pulis na nasawi sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Sa kanyang Senate Bill 1493, nais ni Poe na magkaroon ng PNP Educational Benefits Fund upang matiyak na makapagpapatuloy  sa pag-aaral ang mga anak ng mga pulis sakaling may mangyari sa kanila sa duty.

“The maintenance of peace and order is not without risk to those who pursue it or their families, particularly members of the PNP,” pahayag ni Poe.

Alinsunod sa panukala, ang ‘surviving children’ ng mga miyembro ng PNP na namatay sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay bibigyan ng educational benefits mula nang sila ay maulila hanggang matapos ang kanilang secondary education.

Kasama sa benepisyo ang tuition at allowance para sa mga libro, school supplies, transportasyon, pagkain at uniporme.

Ito ay magmumula sa bubuuing PNP Educational Benefit Trust Fund na popondohan mula sa General Appropriations Act; kita mula sa examination stamps, clearance at certification fees at iba pang service income ng National Police Commission; kita mula sa mga lisensiya ng baril  gayundin sa multa na kinokolekta ng PNP; interest ng trust fund; at mula sa grants at donasyon.

Ang pondo ay pangangasiwaan ng Napolcom at isasailalim sa auditing rules and regulations.

Upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa, magbibigay ng taunang ulat ang Napolcom sa Pangulo, Senado at Kamara hinggil sa paggamit ng pondo.