Nation

EDUCATIONAL ASSISTANCE SA MGA ANAK NG OFWs SA AFGHANISTAN

/ 19 August 2021

MAAARING tumanggap ng educational assistance mula sa pamahalaan ang mga dependent o benepisyaryo ng mga pauuwiing manggagawang Pinoy mula sa Afghanistan.

Ayon kay Senador Juan Edgardo Angara, alinsunod sa iniakda niyang Republic Act 10801 o ang Overseas Workers Welfare Administration Act of 2016, bibigyang ayuda ang mga repatriated Pinoy mula sa conflict-ridden Afghanistan habang naghihintay sila ng bagong deployment.

Kasama sa tatanggapin ng mga dependent at benepisyaryo ng mga OFW ang educational assistance sa pamamagitan ng Education for Development Scholarship Program at Skills-for-Employment Scholarship Program ng Technical Education and Skills Development Authority.

Ito ay upang matiyak na hindi mapuputol ang pag-aaral ng kanilang mga dependent, gayundin ang training sa mga ito.

“Isinulong natin ang batas na ito upang matugunan ang mga problemang pinagdadaanan ng ating mga OFW tuwing may hindi inaasahang pangyayari sa mga bansang kanilang kinalalagyan tulad ng nangyayari ngayon sa Afghanistan,” pahayag ni Angara.

Sa ilalim ng batas, ang OWWA ay inatasang bumuo ng mga hakbangin para sa reintegration ng mga apektadong OFW sa Philippine society.

“Handa ang ating OWWA upang tulungan ang mga apektadong Pilipino na makauwi sa Pilipinas at mabigyan sila ng kabuhayan dito sa bansa,” dagdag ng senador.

Bukod sa training at seminars para sa OFWs, mandato rin ng OWWA na magbigay ng job referrals at livelihood assistance.

Kasama rin sa reintegration program ang low-interest loans para sa repatriated OFWs sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Sa datos, sa 130 Pillipino sa Afghanistan, 32 na ang nailikas habang 19 pa ang naghihintay na makaalis.