Nation

EDUCATIONAL ASSISTANCE SA ANAK NG MGA SUNDALO ISINUSULONG SA KAMARA

/ 9 February 2021

BILANG pagkilala sa mahalagang papel ng mga sundalo sa bansa, inihain ni Bohol 3rd District Rep. Kristiine Alexie Tutor ang panukala na magbibigay ng benepisyo sa dependents ng mga kagawad ng militar.

Sa pagsusulong ng House Bill 6785 o ang Military Dependent’s Benefits Act, ipinaalala ni Tutor na alinsunod sa Konstitusyon, dapat pagkalooban ng sapat na pangangalaga, benepisyo at iba pang tulong ang mga miyembro ng AFP, kanilang asawa at mga anak.

“The risk involved in the performance of their duties puts in peril the welfare of their families should something unfortunate happen to them,” pahayag ni Tutor sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, ang mga dependent ng military personnel na hindi lalagpas sa apat ay pagkakalooban ng educational assistance.

Ang mga nasa kolehiyo ay bibigyan ng suportang P50,000 kada taon sa loob ng apat hanggang limang taon habang P30,000 kada taon sa Vocational na tatagal ng dalawang taon.

Ang mga nasa secondary level naman ay bibigyan ng P30,000 bawat taon sa loob ng anim na taon at P20,000 kada taon sa elementary level sa loob ng anim na taon.

Bukod sa edukasyon, magkakaroon din ng health, housing at commissary benefits ang dependents ng military personnel.

Alinsunod din sa panukala, bubuo ng Military Dependents Welfare Office na mangangasiwa sa programa.