EDUCATION STAKEHOLDERS NAGLATAG NG REKOMENDASYON PARA SA DEKALIDAD NA EDUKASYON
NAGLATAG ng mga rekomendasyon ang iba’t ibang education stakeholders upang mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa kasunod ng hindi pa rin magandang performance ng mga estudyanteng Pinoy sa 2022 Program for International Student Assessment o PISA.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa PISA result, sinabi ni Dr. Marlyn Balagtas, Vice President for Academics ng Philippine Normal University, na ang itinuturing niyang multidimentionality educational crisis ay dapat tugunan ng whole of society systematic approach.
Binigyang-diin ni Balagtas ang pangangailangan ng promosyon ng early learning program dahil kulang, aniya, ang isang taong pre-school at palakasin ang parental engagement at home literacy.
Kailangan din, aniya, ng malinaw na guidelines sa paggamit ng cellphone at iba pang gadgets sa mga paaralan kasabay ng pagsasagawa ng research para sa classroom discipline.
Sinabi naman ni Dr. Lizamrie Olegario, associate professor sa UP College of Education, na bukod sa inservice training sa mga guro, dapat matutukan ang tunay na mentoring sa kanila para maipatupad ang lahat ng kaalamang kanilang nakukuha mula sa seminars.
Sa panig ng Philippine Association of Private Schools, Colleges and Universities, sinabi ng presidente nito na si Dr. Antonio Del Carmen na dapat masolusyunan ang overcrowding sa mga paaralan, ang absorptive capacity ng mga public at private schools at ang problema sa migration ng mga guro.
Inihayag naman ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian na mahalagang mailatag ang lahat ng pamamaraan upang maresolba ang mga problema sa edukasyon para sa susunod na PISA ay magkaroon na ng pag-angat sa ating pwesto.