Nation

EDUCATION SECTOR MAY PINAKAMALAKING ALOKASYON SA INAPRUBAHANG 2022 BUDGET NG KAMARA

/ 2 October 2021

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang P5.024 trillion budget para sa 2022.

Sa botong 238-6-0, inaprubahan ng mga kongresista sa 3rd and final reading ang House Bill 10153 o ang 2022 General Appropriations Bill bago pa man ang recess ng Kongreso.

Bilang pagsunod sa Saligang Batas, tatanggap ng pinakamalaking alokasyon sa budget ang education sector na binubuo ng Department of Education, State Universities and Colleges at Commission on Higher Education na may kabuuang P773.6 bilyon.

Ang panukalang pondo para sa mga ahensiyang may kinalaman sa edukasyon ay bahagyang mas mataas kumpara sa P751.7 bilyon ngayong taon.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, tiniyak nila sa panukalang 2022 budget na maiprayoridad ang pagpopondo sa Universal Access to Tertiary Education na nagkakaloob ng scholarship sa mga estudyante sa higher education.

Umaasa si Velasco na sa mabilis nilang pagpasa sa panukala ay maaaprubahan ang panukalang budget sa takdang oras upang maiwasan ang reenacted budget sa 2022.

Ayon sa Department of Budget and Management, ang proposed national budget para sa 2022 ay mataas ng 11.5 percent kumpara sa P4.5-trillion fiscal program ngayong taon.